Sunday, May 20, 2012

Balagtasan ni Ka Tino

Monday, May 19, 2008

Balagtasan ni Tatay

BALAGTASAN NI KA TINO JOSE


LAKANDIWA

Sa pagkain/…kahit anong sarap ang iyong ulam
Kapag yaon at yaon din/…ay madaling pagsawaan
Kaya upang mabago/…sa panlasa n’yong pihikan
Ang putaheng ihahain/…ng Toronto’y balagtasan

Ang diwa ng pagtatalo/… o ang paksa ng labanan
Ay kung itlog o bibingka/… ang higit sa katangian
Ang dalawang naririto/… sa talino’y susubukan
Salubungan ng palakpak/… bago sila magtagisan

Sa pagtanggol ng bibingka/… kayo ay maaakit
Kay Ka Olie na matapang/.. sa bakbakan, walang pihit
Sandata n’ya sa labanan/…ay hinasang pitong ulit
Humarap na ang haharap/… h’wag lang susundutin sa puwit

BIBINGKA

Unang tindig/… isang bati/… na may kulay ng paggalang
Sa lahat ng naririto/… upang kami ay pakinggan
Ang panig ko’y ipagtanggol/… bibingka kong malinamnam
Pagkat ito ay batid kong/… may labis na katangian

Bibingka ko palibhasa’y/…may sangkap na bitamina
Ang sino mang makatikim/… tiyak na mahahalina
Di tulad ng itlog mong/… masaling lang ay bugok na
Matinggal lang nang matagal/… ay masama na ang lasa

LAKANDIWA

At sa panig nitong itlog/… ang siya namang tutugon
Si Ka Dani na makata/… maginoo at walang urong
Harangan man ng sibat/… tuloy pa rin ang pagsulong
Keng leon o ken tigre/… ang sa kanya ay humamon

2

ITLOG

Sa lahat ng naririto/… panauhi’t kasamahan
Salubong ko’y isang bati/… sa inyo’y pagsaluhan
Pagka’t ako’y may manukan/… at itlog ang kabuhayan
Sa itlog ko ang manira/…ay pilit kong hahadlangan

Kung ang buti’t katangian/… ang paksa ng pagtatalo
Ang itlog ko, kung sa sabong/…nakaungos at lyamado
Kaya lamang sumasarap/… ang bibingkang sinabi mo
Dahil iya’y may sangkap/… ng binati mong itlog ko

BIBINGKA

Ang itlog mo para sa akin/… ay h’wag mo nang pamarali
Maging iyan ay maliit/… maging iyan ay malaki
Bibingka ko/… pag namumula na, ang mga labe
Kapag hindi mo kinurot/… ako’y talo na, kumpare

Kahit wala ang itlog mo/… bibingka ko’y sasarap din
Pagka’t ito ay may lihim/… na sangkap/… na sakdal galing
Bibingka ko, pag natikman/… ika’y aking titiyaking
Mangangarap ka nang dilat/… sa sarap, ay hihimatayin

ITLOG

Bibingka mo/… kaya lamang/… matatawag na tunay
Pagka’t diya’y hinalo mo/… ang itlog kong dinalisay
Alisin mo and itlog ko/… sa bibingka’y inilagay
Di sasarap yaong amoy/…di gaganda yaring kulay

Ang sabi ng katalo ko/…ako itong nangangarap
Bibingka n’ya pag natikman/… malilimot ko ang lahat
Paano nga ang sangkap n’yan/… ay itlog ko na ang balat
Malambot/… masarap/…at walang kakunat kunat

3
BIBINGKA

Aanhin ko ang itlog mo…/ kung ang balat ay malambot
Akma mo lang batihin/… ay kusa nang nadudurog
Sa bibingka/… pag ganitong uri/… ang siyang ilalahok
Tapatan kong sasabihin/… bibingka ko’y di tatambok

Subukan mong isang gabi/… ako ay pasyalan
Bibingka ko’y walang bayad/… sa iyo’y patitikman
Malilimot mo and mundo/… matapos mong malasahan
Pagtulog mo ay langit/… at di bangungut, kaibigan

ITLOG

Kaya pala bale wala/… itong itlog ko sa katalo
Pagkat malambot daw/… itong balat ng itlog ko
At kung nagkataon palang/… matigas na parang bato
Walang salang sa bibingka’y/… gagawin n’yang pangrekado

Kailangan pa ba namang/… bibingka mo ay matikman
Upang ako’y maniwala/… na ‘yan ay malinamnam
Kung ayaw mo sa itlog ko/… lalong di ko susubukan
Na tikman ang bibingka mo/…kahit di mo pabayaran

LAKANDIWA

Sa timbangan ng talino/… mahirap at nakakalito
Sa dalawa kung sino/… ang magaling sa diskurso
Ang matambok na bibingka/… kay Olie ay pambato
At tumpak ding ipagmalaki/… itong itlog ni Danilo

Wala akong masasabi/… kundi kapwa magaling
Sa talino at katwiran/… walang itulak at kabigin
Bilang isang lakandiwa/… kung ako ang susundin
Ang dalawang magkatalo/…ay dapat lang pagtablahin

Monday, August 6, 2007

Tatay's poem

Ang buhay sa abroad
Ni Ka Tino Jose


Kay Willy at Lilia,kay Maureen at Lilet,
Gayundin kay Voltaire at May na bulilit
Sa liahm kong ito’y nais kong pahatid
Ang lahat n gaming mainit na halik



Sa larangan na panulat, sandata kong kinalawang,
Pamuli kong inihasa upang kayo ay sulatan,
Ito’y bilang ganting-tugon sa sulat n’ypng naglalaman
Nittong tunay na diwa ng pag-ibig at pagmamahal.

Lahat kaming naririto ay tunay ngang nagagalak,
Pagkat kami ay lagi nang may balitang nasasagap,
Masasabing kahit mandin malayo ang ating agwat,
Para na rin magkadaop itong ating mga palad.

Kung ako ang tatanungin ay mabuti rin naman
Na kung minsa’y magkalayo nguni’t may pagtitinginan,
Di tulad nga nuong ibang magkasamang naturingan,
Nguni't parang aso’t pusa na laging nagkakalmutan.

Kaya’t lagi n’yong tandaan, saan man kami naroroon,
Pag-iisip nami’y lagi na sa inyo’y nakatuon,
Tangi naming adhikain sa inyo ay makatulong
Nang sa gayon sa anumang hirap kayo’y makaahon.

Tungkol sa ‘ min masasabing lahat kami ay masigla,
Lalo na nga si Gilbert na poging anak ni Victoria,
Pagkain n’ya sa tanghali, sa gabi at sa umaga
Ay di kaya na ubusin ng gutom na tatlong buwaya.



Kalagayan naming dito sa Amerika ay tulad din sa Maynila,
Kailangan ang kumayod upang meron kang matuka,
Kapag ika’y tamarindo, walang sipag, walang tiyaga,
Ay wala kang mahihigop, kahit sabaw ng nilaga.

Kalagayan naming dito ay mabuti na rin naman,
Hindi kami naghihirap, hindi rin kami yumayaman,
Kung baga nga sa niluto ni Nanay na bagong ulam,
Tamang=tama sa timplada, di maalat, di matabang.

Hanggang dito na lang muna, saka na lang sa susunod,
Susulat din akong muli, upang kayo ay malugod,

Samantala, hinihilin nitong Tatay ninyong panot,
Sa pagsulat n’yo sa amin ay huwag kayong manghimagod


Tatay ay Nanay