Monday, May 19, 2008

Balagtasan ni Tatay

BALAGTASAN NI KA TINO JOSE


LAKANDIWA

Sa pagkain/…kahit anong sarap ang iyong ulam
Kapag yaon at yaon din/…ay madaling pagsawaan
Kaya upang mabago/…sa panlasa n’yong pihikan
Ang putaheng ihahain/…ng Toronto’y balagtasan

Ang diwa ng pagtatalo/… o ang paksa ng labanan
Ay kung itlog o bibingka/… ang higit sa katangian
Ang dalawang naririto/… sa talino’y susubukan
Salubungan ng palakpak/… bago sila magtagisan

Sa pagtanggol ng bibingka/… kayo ay maaakit
Kay Ka Olie na matapang/.. sa bakbakan, walang pihit
Sandata n’ya sa labanan/…ay hinasang pitong ulit
Humarap na ang haharap/… h’wag lang susundutin sa puwit

BIBINGKA

Unang tindig/… isang bati/… na may kulay ng paggalang
Sa lahat ng naririto/… upang kami ay pakinggan
Ang panig ko’y ipagtanggol/… bibingka kong malinamnam
Pagkat ito ay batid kong/… may labis na katangian

Bibingka ko palibhasa’y/…may sangkap na bitamina
Ang sino mang makatikim/… tiyak na mahahalina
Di tulad ng itlog mong/… masaling lang ay bugok na
Matinggal lang nang matagal/… ay masama na ang lasa

LAKANDIWA

At sa panig nitong itlog/… ang siya namang tutugon
Si Ka Dani na makata/… maginoo at walang urong
Harangan man ng sibat/… tuloy pa rin ang pagsulong
Keng leon o ken tigre/… ang sa kanya ay humamon

2

ITLOG

Sa lahat ng naririto/… panauhi’t kasamahan
Salubong ko’y isang bati/… sa inyo’y pagsaluhan
Pagka’t ako’y may manukan/… at itlog ang kabuhayan
Sa itlog ko ang manira/…ay pilit kong hahadlangan

Kung ang buti’t katangian/… ang paksa ng pagtatalo
Ang itlog ko, kung sa sabong/…nakaungos at lyamado
Kaya lamang sumasarap/… ang bibingkang sinabi mo
Dahil iya’y may sangkap/… ng binati mong itlog ko

BIBINGKA

Ang itlog mo para sa akin/… ay h’wag mo nang pamarali
Maging iyan ay maliit/… maging iyan ay malaki
Bibingka ko/… pag namumula na, ang mga labe
Kapag hindi mo kinurot/… ako’y talo na, kumpare

Kahit wala ang itlog mo/… bibingka ko’y sasarap din
Pagka’t ito ay may lihim/… na sangkap/… na sakdal galing
Bibingka ko, pag natikman/… ika’y aking titiyaking
Mangangarap ka nang dilat/… sa sarap, ay hihimatayin

ITLOG

Bibingka mo/… kaya lamang/… matatawag na tunay
Pagka’t diya’y hinalo mo/… ang itlog kong dinalisay
Alisin mo and itlog ko/… sa bibingka’y inilagay
Di sasarap yaong amoy/…di gaganda yaring kulay

Ang sabi ng katalo ko/…ako itong nangangarap
Bibingka n’ya pag natikman/… malilimot ko ang lahat
Paano nga ang sangkap n’yan/… ay itlog ko na ang balat
Malambot/… masarap/…at walang kakunat kunat

3
BIBINGKA

Aanhin ko ang itlog mo…/ kung ang balat ay malambot
Akma mo lang batihin/… ay kusa nang nadudurog
Sa bibingka/… pag ganitong uri/… ang siyang ilalahok
Tapatan kong sasabihin/… bibingka ko’y di tatambok

Subukan mong isang gabi/… ako ay pasyalan
Bibingka ko’y walang bayad/… sa iyo’y patitikman
Malilimot mo and mundo/… matapos mong malasahan
Pagtulog mo ay langit/… at di bangungut, kaibigan

ITLOG

Kaya pala bale wala/… itong itlog ko sa katalo
Pagkat malambot daw/… itong balat ng itlog ko
At kung nagkataon palang/… matigas na parang bato
Walang salang sa bibingka’y/… gagawin n’yang pangrekado

Kailangan pa ba namang/… bibingka mo ay matikman
Upang ako’y maniwala/… na ‘yan ay malinamnam
Kung ayaw mo sa itlog ko/… lalong di ko susubukan
Na tikman ang bibingka mo/…kahit di mo pabayaran

LAKANDIWA

Sa timbangan ng talino/… mahirap at nakakalito
Sa dalawa kung sino/… ang magaling sa diskurso
Ang matambok na bibingka/… kay Olie ay pambato
At tumpak ding ipagmalaki/… itong itlog ni Danilo

Wala akong masasabi/… kundi kapwa magaling
Sa talino at katwiran/… walang itulak at kabigin
Bilang isang lakandiwa/… kung ako ang susundin
Ang dalawang magkatalo/…ay dapat lang pagtablahin

No comments: